Mga alaala ni Papa Lito Belarmino, OFWs, N.T. Australia
Sinulat ni Chloe, bunsong anak ng yumaong Lito Belarmino (RIP Marso, 2020)
Isang magandang gabi po sa ating lahat. Bago po ako mag simula nais ko munang magpakilala sa inyo. Ako po ay si Chloe Phoebe Belarmino, bunso ako sa aming limang mag-kakapatid at nag iisang anak na babae ni Margelito at Julie Belarmino. Ako po ay 16 na taong gulang na at ako ay graduating student sa Senior High School.
Bilang anak o bilang bata, ako po ay nagpapasalamat sa ating Panginoong Jesus dahil ako ay nagkaroon ng butihing mga magulang. Isa po ako sa maswerteng bata na lumaking may magulang at naalagaan. Simula’t simula palang po ay OFW na ang aking papa hanggang sa lumaki’t nag kaisip nalang po ako ay nasa ibang bansa na si papa. Naiintindihan ko naman po kung bakit kailangang umalis at magtrabaho sa malayo si papa, kasi para naman po iyon sa ikabubuti naming pamilya.
Pero po may mga oras at araw din na di ko maiwasang mainggit sa ibang bata kasi nakakasama nila ang papa nila at nasusundo sila sa school, nakakatawa man pong isipin na sa edad ko na ito ay naiinggit po ako sa mga batang nasusundo ng papa nila sa school. Naiinggit po ako sa kanila dahil isa kasi yon sa mga di ko naranasan bilang bata. Nuong Feb 2019 umuwi po ang papa ko at graduating ako noon sa Junior High School pero po sa edad at tanda ko na yon gusto ko pa rin magpasundo kay papa sa school.
Isa rin po sa kinainggitan ko bilang bata is yong everytime na magsisimba kami pero wala kaming kasamang papa, samantalang yong iba, kumpleto sila, kasama nila papa nila. Kaya pag kauwi niya nuong Feb 2019, ang saya saya ko po. Ibang level po iyong saya ko. Napakayabang ko that time kasi po buong pamilya kaming mag-sisimba. Natupad po that day iyong isa sa mga wishes ko. Hawak pa po ni papa kamay ko habang papasok sa simbahan, kaya ibang level po talaga iyong saya ko. Gustong gusto ko po ipagsigawan, ipagmayabang na “Uy kumpleto din kami, kasama ko din papa ko.”
Nabanggit ko din po iyon kay papa na naiinggit ako sa mga pamilya na magkakasama at kumpleto. Tapos po yong sagot sa akin ni papa that time sobrang tumatak sa isip ko. Hanggang ngayon po dala-dala ko ang sabi niya sa kin nuon “Nak wag na wag ka mainggit sa iba kasi masama yon, maling gawain ang mainggit, dapat kung anong meron ka makuntento ka at maging masaya.” Sobrang iba po sa feeling na marinig mo mismo sa papa mo yong mga ganyang salita. Simula po noon iniwasan ko ng mainggit sa iba at nakuntento sa kung anong meron ako. Ang swerte ko pa nga po e, kasi iyong iba wala nuong mga meron ako.
Meron pa po one time this Feb 2019 lang din po. Pumunta po kami ng mall pagpasok po namin ay may binebentang kotse sa amin. Nagtry ko pong biruin si papa, “Pa, bili tayo kotse” ang sagot po sa akin ni papa is “Nak, iyong ibibili natin ng kotse, ipang-aral nalang muna ninyo. Kapag naka tapos na kayo, saka na bumili ng kotse. Ako na din magiging drayber at taga ayos ninyo.” Dagdag pa niya “Yong pag-aaral ninyo kasi nak mahalaga, yan yung magiging yaman ninyo na kahit saan madadala ninyo at yan iyong yaman na kaya kong ipamana sa inyo.” Napatahimik po ako sa sagot ni papa. Binibiro ko lang po siya nuon pero sobrang lawak ng sagot ni papa at may matutunan po talaga agad ako. Kami po magkakapatid ay pinalaki ng simpleng pamumuhay. Kami po yong may papa na OFW na di nasunod ang mga luho, ang turo po kasi ni papa “Wag unahin ang yabang.”
Nuong March 2019, Moving Up Ceremony ko po sa Junior High School. Hindi naman po sa pagmamayabang pero napabilang ako sa may mga with honors. Opo with honor po ako hindi lang halata. Una palang po alam ko na aakyat ako sa stage. Sabi ko why not di ko lagyan ng thrill para hindi boring para naman memorable, isusurprise ko sila mama. Kaya po nung pagka uwi na pag kauwi ko sinabi ko po kay mama tapos nagchat din po agad kami ni papa, “Ma, pa sorry po di naman po ako bagsak pero di din po ganun katas nakuha ko, pero sure po na makakapag moving up po ako.” Kitang kita ko po yong disappointment sa mukha ni mama tapos ang nasagot sa akin ni papa “ayos lang yan anak, basta makakaraos.”
Nung mismong Moving Up Day namin nagulat po si mama kasi tinawag na po ang pangalan ko. Hindi niya inexpect na aakyat sa stage. Nang nakita na may hawak na akong flowers, yong itsura po ni mama that time sobrang priceless tapos binulungan po niya ako “nakayabang ka don ha” sabay smile.
Pagkauwi naman po namin nalaman agad ni papa na umakyat kami at with honors ako. Nag chat po agad sa akin at tuwang tuwa at nagpasend pa po siya ng pictures nuon. Sabi niya “Bilib din ako sayo nak, nagawa mo kahit wala na masyadong nag-aasikaso sa iyo.” Tapos po sinabi rin niya sa akin na sobrang proud daw po siya at ang galing galing ko daw.
Tapos po bigla niya akong natanong kung anong course ang kukunin ko, syempre sinagot ko po agad at sabi ko “Pa gusto ko po mag-pulis.” Tinanong po niya ako uli kung sure na ba talaga ako at parang di pa po ata naniniwala na gusto kong mag- pulis, sabay sabi niya po sakin “Nak, gusto ko nasa airplane ka.” Nagulat po ako sa sinabi ni papa kasi po sobrang taas ng pangarap niya para sa akin. Sumagot po ako “E pa, di naman po ako ganun kaganda, di rin po ako kaputian tsaka mukha po akong lalaki at galaw lalaki rin po. Nakakahiya rin po kasi ang mahal mahal po ng course na yon, ” Sagot po sa akin ni papa, “Ako bahala sa pag-aaral mo anak, mag aral ka nalang.” “Tsaka nak wala naman sa puti o ganda yon, marami akong nakikita F.A na di naman gaano kaganda tsaka mas maganda ka sa kanila, kung gusto mo naman mag pulis, walang problema ako pa rin ang magpapa-aral sa iyo pero ikaw mag-aasikaso sa sarili mo at pang araw araw mo. Magiging independent ka dyan kasi ayan ang gusto mo.” Nagulat po ako, di ako nakapagsalita ang nasabi ko nalang po is “Sige po pa, mag F.A ako para sa inyo pero Pa pwede po bang mag-aral ako ng pulis pag-ka tapos?” tapos nag send po siya ng picture naka smile kasi napilit niya ko ang saya saya niya nuon tapos sagot niya po sa akin, “Sige nak, aral ng aral.”
Basta pag nakatapos na daw po kami ng pag-aaral uuwi na daw po siya. Nag request din po siya sa akin that day na gusto daw po niya ng lote o lugar na matataniman at mag- aalaga daw po siya ng mga hayop syempre po manok din, sabong is life, para daw po di siya maboring at magkakasakit pag andito na sa Pilipinas. Sagot ko po sa kanya, “Ako ang bahala duon pa kahit ilang lote pa sagot ko na rin pangsabong ninyo.” Ang saya-saya po naming lahat that night.
Si papa po kasi ay simple lang. Sa sobrang simple iyong tipo na kahit siya wala basta kami meron, ayos na. Sa sobra din pong kasimplehan at kasipagan ni papa sobrang dami pong humahanga at bumibilib kay papa. Sobrang blessed ko po dahil sa kanya, dahil sa parents ko. Kung di po kasi dahil sa kanila at sa mga sacrifices nila kaya po ako nandito. Simula po nung nawala si papa wala naman akong pinagsisihan pero po nakukulangan ako sa pagpasalamat sa kanya. Kaya po kung magkaka chance na makakausap ko si papa mag- thank you po ako ng todo todo sa kanya. Sobra po ang pasasalamat ko sa parents ko. Maraming salamat po.
Leave a Reply